MANILA, Philippines - “Patawarin ninyo ako…. Pagod na ako.”
Ito ang mga huling kataga ng isang ama bago tuluyang nagbaril sa ulo upang wakasan ang sariling buhay sa loob ng kanilang banyo sa Marikina City kamakalawa.
Pinaniniwalaang mabigat na problemang hindi na makayanan ang dahilan upang mag-suicide ang biktimang si Marlie Dalusong, 56, ng Cristal St., Twinville Subd., Brgy. Parang, Marikina City.
Batay sa ulat, dakong alas-5 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente sa loob ng banyo ng bahay ng biktima.
Isang kalibre .38 revolver ang ginamit umano ng biktima upang magbaril sa kaniyang ulo na naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.
Tumanggi naman na ang mga kaanak ng biktima na imbestigahan pa at i-awtopsiya ang bangkay dahil sa paniwalang walang foul play sa insidente. Hindi na rin nagbigay pa ng impormasyon ang pamilya hinggil sa posibleng dahilan nang pagpapakamatay nito.