MANILA, Philippines – Apat na lalaki, kabilang ang isang menor-de-edad ang inaresto ng mga awtoridad matapos na umano’y halinhinang gahasain ang isang 15-anyos na dalagita sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Police Station 6 ng Quezon City Police, nakilala ang mga suspect na sina Jeffrey Manzano, Cario Moreno, Kelvin Millanes, pawang 19-anyos; at isang alyas Bitoy na menor- de-edad.
Hinahanting naman ng pulisya ang ika-limang suspect na nakilala sa pangalang Aljun Kiano na nakatakas matapos ang operasyon.
Nag-ugat ang insidente sa pagiging textmate ng biktima sa isa sa mga suspect. Nang makapalagayan na ng loob sa text ay inaya umano ng mga suspect ang biktima ng inuman sa may Kaligtasan St., Brgy. Holy Spirit noong Linggo. Sinasabing sa inuman ay nalasing ang biktima dahilan para paakyatin ito sa itaas ng bahay ng mga suspect at doon na nga halinhinan itong hinalay.
Kinabukasan na nang pauwiin ng mga suspect ang biktima na nagtungo naman sa kanyang mga kaibigan at ipinagtapat ang nangyari sa kanya saka nagdesisyong magsumbong sa opisyal ng barangay.
Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga barangay opisyal na naging daan para isa-isang madakip ang mga suspect.