Protektor ng mga illegal vendor, ibunyag

MANILA, Philippines - Hinikayat ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga negos­yante at residente ng Maynila na isumbong sa kanyang mga tanggapan ang sinumang opisyal ng Manila City Hall at ng Manila Police District(MPD) na nagbibigay ng proteksiyon sa mga illegal vendors   na nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko at obstruction sa lungsod.

Sa pulong ng alkade at mga negosyante, ikinagalit ni Lim ang sumbong na mismong ang mga pulis ang umano’y res­ponsable kung kaya’t patuloy na may mga vendor sa kalsada.

Ayon kay Lim, hindi umano niya kukunsintihin ang sistemang ito kung kaya’t mas makabubuti kung ilalantad na lamang kung sinu-sino ang nasa likod nito   at mapatawan ng kaukulang parusa.

Aniya, matagal na aniyang sinasabi na ang kalsada ay para lamang sa mga sasakyan kung kaya’t tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng zero vendor policy. 

Nabatid na sinamahan ni Chairman Thelma Lim ang mga negosyante sa Quiapo, para ireklamo ang mga vendors na umookupa sa harap ng kanilang mga establisimyento.

Ayon kina Chairman Joey Uy Jamisola at Imee Ong, kapwa negosyante, natatakpan na umano ng mga vendors ang harapan ng kanilang establisimyento dahil sa malala­king stalls at payong ng mga vendors.

Partikular na tinukoy sa reklamo ang lugar ng R. Hidalgo, Avenida, Carriedo, Recto, Quezon Boulevard at Plaza Miranda­. 

Giit pa ni Jamisola, nais din naman nilang mabigyan ng kabuhayan ang mga vendor subalit kailangan din nilang sumunod sa patakaran. Aniya, hindi na umano tama na gawin pang lutuan at paliguan ang harap ng kanilang esta­blisimyento.        

Dahil dito, pinayuhan ni Lim ang mga negosyante at residente ng dumiretso sa station commander na nakakasakop sa lugar at isumbong. Sakaling walang gawing aksiyon, siya mismo ang gagawa ng aksiyon laban sa mga vendor at sa station commander.

Show comments