MANILA, Philippines - Isang linggo bago ang Valentines Day, nagsisimula nang maghigpit ang pamunuan ng Manila City Jail (MCJ) sa mga bisitang dadalaw sa kanilang mga kamag-anak at asawa na nakakulong dito.
Ayon kay MCJ Warden, Supt. Ruel Rivera, hinahanapan nila ng mga ID at marriage contract ang mga misis na dadalaw sa kanilang mga mister na nakakulong dito dahil pinapayagan naman nila ang conjugal visit na naaayon sa batas. Hindi umano maaaring makapasok sa mga selda ang hindi mag-asawa.
Sinabi naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief Director Rosendo Dial, na nasa red alert status ang kawanihan lalo pa’t inaasahan na ang pagdagsa ng mga bisita simula bukas hanggang sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso.
Aniya, nais din nilang mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawa at mga pamilya na magkasama sa araw na mahahalaga sa kanila.
Napag-alaman naman kay BJMP-NCR director, Chief Supt. Benito Dorigo na hindi lamang ang MCJ ang maghihigpit kundi ang lahat ng mga piitan sa Metro Manila. Aniya, kailangan lamang magpakita ng mga legal na dokumento ang mga bibisita upang maiwasan ang anumang aberya.