MANILA, Philippines - Ipinasara ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang eight-storey residential building dahil sa pagkabigo nitong sumunod sa probisyon ng fire safety and protection requirements.
Ang pinasarang gusali ay ang City Tower Condominium sa #810 Aurora Blvd. corner N. Domingo Street, Kaunlaran, Quezon City.
Sa sulat na ipinadala ni BFP-National Capital Region director Chief Supt. Santiago Laguna sa may-ari ng gusali, ang pagpapasara ay agad na ipatutupad para maiwasan ang anumang mangyaring panganib sa gusali na makakaapekto sa publiko.
Ayon kay Senior Supt. Bobby Baruelo, QC Fire District marshal, sa kabila ng ilang ulit na abisong ipinapadala, ang management ng nasabing gusali ay patuloy na bigong sumunod sa nabanggit na paglabag, bukod sa pagkakaroon ng multang P50,000.
Sinabi pa ni Baruelo, ang gusali ay wala umanong sprinkler; ang fire exits ay hindi remote at ang vertical exits nito ay walang proteksyon na ang ibig sabihin ay walang pagpipigil sa usok o sunog mula sa agarang pagpunta nito sa itaas ng palapag.
Aniya ang mas nakakatakot, ang City Tower Condominium ay nagpapatuloy na nag-ooperate kahit walang occupancy permit at certificate of electrical inspection. Sa kabuuan, dagdag ni Baruelo, ang gusali ay fire hazard.