MANILA, Philippines – Nasabat ng Veterinary Inspection Board ng Manila City Hall ang may 300 kilo ng double dead meat o botcha na nakatakda sanang ibagsak sa mga stall sa Ilaya St. at C.M. Recto Avenue sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nabatid kay Dr. Joey Diaz, hepe ng VIB ng Manila City Hall, na lulan ang mga botcha sa isang pedicab na minamaneho ng isang Alfredo Guillermo nang masabat ng kanyang mga tauhan dakong alas-3 ng madaling-araw sa bahagi ng Ilaya St., Tondo.
Bukod sa hindi na magandang itsura ng mga karne, wala ring maipakitang certificate o tatak ng Meat Inspection Service (MIS) ang may dala nito.
Itinanggi naman ni Guillermo na siya ang may-ari ng delivery at sinabi niya na isinakay lamang sa kanyang pedicab ang nasabing karne at binayaran siya ng P100 upang ibagsak sa nasabing palengke.
Lumalabas na ang nasabing baboy ay kinatay lamang sa isang lugar sa Del Pan, Tondo sa hindi rehistradong slaughterhouse.
Nakatakdang ibaon sa lupa ang mga nasamsam na botcha upang hindi na makapagdala ng sakit sa publiko.