MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang babaeng teller ng isang sanglaan makaraang pagsasaksakin nang pumalag sa nag-iisang holdaper na nagpanggap pang bagong guwardiya, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Ginagamot ngayon sa Manila Central University Hospital ang biktimang nakilalang si Jerame Yangcio, 25, teller ng Lhuiller Pawnshop at naninirahan sa no. 42 Binangonan Street, Maypajo, Caloocan City.
Sa imbestigasyon ng Malabon Police, dakong alas-7 kahapon ng umaga nang pumasok sa trabaho si Yangcio sa sanglaan na matatagpuan sa Manapat Street, Brgy. Tanong, ng naturang lungsod.
Kabubukas pa lamang ng sanglaan ng biktima nang lumapit ang suspek na nakasuot ng uniporme ng security guard at nagpakilalang bagong guwardiya ng establisimiyento kaya malaya rin itong nakapasok.
Sa loob ng sanglaan, naglabas na ng patalim ang suspek at inutusan si Yancio na buksan ang kaha de yero na naglalaman ng mga alahas at pera. Tumanggi naman si Yangcio na sumunod sa suspect sanhi upang sunud-sunod itong undayan ng saksak ng salarin.
Nagawa namang mapatunog ng sugatang si Yangcio ang alarma ng sanglaan sanhi upang mataranta ang suspect at mabilis na tumakas. Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad na isinugod sa pagamutan ang biktima pero nabigong maabutan ang suspect.