MANILA, Philippines – Tatagal pa umano ng tatlo hanggang limang taon ang “remediation program” o paglilinis sa kontaminasyon na dulot ng gas leak sa bisinidad ng West Tower Condominium sa Barangay Bangkal, Makati City.
Ito ang inihayag ni Anthony Cole, regional environmental management officer ng CH2MHill Philippines Inc., ang US-based environmental remediation company, na inupahan ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) para maglinis sa polusyon sa hangin at lupa na dulot ng gas leak sa kanilang pipeline.
Ngunit sinabi ni Cole na imposibleng makamit ang “zero contamination” sa loob ng hanggang limang taon pero maaari nilang mailagay ito sa numerong katanggap-tanggap para sa kalusugan ng mga residente.
Posible rin umano na makabalik na sa kanilang mga condominium units ang mga residente ng West Tower, isang taon makaraan ang puwersahang pagpapalikas sa kanila dulot ng gas leak.
Sinabi ni Edmund Piquero, senior environmental geologist ng CH2MHill, na target nila ang ikatlong quarter ng taon o pinakamaaga ang Hulyo para mailagay sa ligtas na kondisyon ang hangin sa lugar.
Umaabot na sa 3,000 litro ng tubig at petrolyo ang nasisipsip ng kompanya kada araw. Mula noong Enero 11, 2011, may 37,600 litro na ang kanilang natanggal sa mga recovery wells mula sa 1.8 milyong litro na tinatayang kumalat sa kabuuang 15,000 square meters (1.5 ektarya) na lawak ng lugar.