Anak todas sa ama

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalake makaraang barilin ng kanyang sariling ama nang ma­kita ng huli na inaaway ng una ang nanay nito sa lungsod Quezon, kahapon.

Ayon kay Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng Police Station 6 ng QCPD, dead on the spot ang biktimang si Jeff Villaflor, 30, matapos na magtamo ng tama ng bala sa katawan habang agad namang tumakas ang ama nitong si Simeon Villaflor kasama ang isa pang anak at asawa sakay ng isang taxi na may plakang TXW-249 patungong Fairview.

Sa inisyal na ulat ng pu­lisya, ganap na alas-3:15 ng hapon nang mangyari ang insidente sa may harap ng Commonwealth market sa Commonwealth Ave. sa lungsod.

Ayon sa ilang saksi, bago ang pamamaril ay nakita umanong inaaway ng biktima ang kanyang nanay sa nasabing lugar.

Nakita ng paparating na suspect ang ginagawa ng anak sa ina kung kaya’t biglang nagbunot ng baril saka pinutukan ang anak at tumakas. Gayunman, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente kung saan pinaghahanap na ang suspect.

Show comments