6 QC police sa kidnap, dinisarmahan
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Quezon City Police District Director Chief Superintendent Benjardi Mantele na agad nilang sisibakin sa puwesto ang anim na tauhan sa sandaling mapatunayang sangkot sa pagdukot sa isang banyaga sa Pasay City nitong nakaraang Disyembre 20, 2010.
Nauna rito, dinisarmahan na ni Mantele ang mga tauhan na pawang miyembro ng District Anti-Illegal Drugs Task Group na idinadawit sa kaso. Ayon kay Mantele, may dinadaanan umanong proseso ang naturang problema at sa sandaling maisampa na ang kaso laban sa mga nasasangkot na pulis ay agad nilang aalisin ang mga ito sa kanilang mga puwesto.
Sa ngayon, mananatiling restricted muna umano ang mga nasabing pulis sa kanilang headquarters sa Camp Karingal at hindi pinapayagang sumama sa anumang operasyon ng kagawaran.
Sinabi ni Mantele, itinanggi umano ng mga pulis ang kanilang partisipasyon sa nasabing insidente dahil lehitimo anya ang kanilang operasyon sa lugar at may koordinasyon ito sa nakakasakop na pulis. Nagkataon lang anya na naroroon din sila nang mangyari ang insidente.
Handa naman anyang humarap sa imbestigasyon ang mga pulis ng QCPD at ipagtatanggol nila ang mga sarili.
Nag-ugat ang isyu nang ituro ang mga pulis na suspect sa umano’y pagdukot sa isang Indian national na si James Khumar, presidente ng Khalsadiwan Indian Sect Temple sa UN Ave., Manila; at mga kasamahang sina Andy Bryan Ngie at Ferdinand Sales sa may kahabaan ng F.B. Harrison street sa Pasay City. Dalawa sa mga pulis ay kinilala ni Pasay Police chief Sr. Supt. Napoleon Cuaton na sina Chief Insp. Edwin Faycho at PO3 Edmon Peculdar.
- Latest
- Trending