Misis todas sa regalong bomba
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang ginang na Filipino-Chinese makaraang sumambulat dito ang regalong bomba habang binubuksan kahapon ng umaga sa Taguig City.
Dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa loob ng bahay ng biktimang si Yvonne Yvette Chua, 33, ng Block 10, Lot 21, Mahogany Phase III Subdivision, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang regalo umano ang dinala ng driver ng mga Chua sa kanilang bahay.
Binubuksan umano ng biktima ang naturang regalo habang nakaupo sa sofa nang biglang sumambulat.
Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome, posibleng kilala ng pamilya Chua ang nasa likod ng krimen.
Nabatid na unang pinadala ang naturang package sa bahay ng mga Chua sa Parañaque City kamakalawa ng gabi bago diniliber ng kanilang driver sa nilipatang bahay ng mga ito sa Taguig City.
Isa sa iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng driver ng mga Chua na nagdeliber ng regalo at ang unang nakatanggap nito sa kanilang dating bahay sa Parañaque City.
Sa pagsusuri ng Explosive and Ordnance Division ng Taguig police, tatlong granada ang laman ng package kung saan isa lamang ang sumabog. Narekober ng mga imbestigador ang dalawang granada na hindi sumabog.
Iniimbestigahan na din ngayon ng pulisya ang lahat ng posibleng anggulo sa naturang krimen.
- Latest
- Trending