MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang hinihinalang bayarang hitman sa loob ng Cartimar Market sa Pasay City kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Ernesto de Jesus, may-ari ng EDJ Hog Dealer at residente ng Mabolo St., Pasay sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at tagiliran habang sugatan din ang kanyang tauhan na si Bobby De Vera, 40, matapos barilin ng mga suspect sa kanang braso na tumagos sa tagiliran.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng madaling araw sa puwesto ng biktima sa gilid ng naturang pamilihan. Pinangangasiwaan ni De Jesus ang mga tauhan sa pagkakatay ng mga ititindang baboy nang dumating ang isang pulang van na walang plaka kung saan lumabas ang apat na armadong lalaki.
Tinanong umano ng isa sa mga suspect kung sino sa kanila si “Aning” at nang sumagot ang biktima na ito ang kanyang palayaw, sinabihan siya ng isa na huwag ng pumalag dahil naka-timbre na ang kanyang pangalan.
Tinangka pang tumawag sa kanyang cellphone ang biktima nang pukpukin siya sa ulo ng baril ng isa bago tuluyang pinaputukan. Binaril din ng isa sa suspek si De Vera nang tangkaing tulungan ang kanyang amo.
Hinablot din umano ng mga suspect ang clutch bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa batid na malaking halaga ng salapi bago nagsitakas patungo sa hindi nabatid na direksiyon.