4 katao patay sa saya ng Pasko

MANILA, Philippines - Apat katao ang pawang nasawi sa apat na magkakahiwalay na karahasan sa lungsod lamang ng Caloocan magmula kamaka­lawa ng gabi.

Nakilala ang mga biktima na sina Rizalino Ca­paras, 43, dealer ng pro­cessed meat, ng Villa Alegria Palmera, Camarin; Ricardo Escueta, 26, ng Phase 8-B, Bagong Silang; Joseph Bar­­cenas, 26, cellphone technician, ng Pangako st., Bagong Barrio; at David Amudion, 30, vendor, ng Phase 4-C, Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Sa nakalap na ulat ng Caloocan police, unang na­ganap ang pamamas­lang sa biktimang si Amudion. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa mga ka­pitbahay kasama ang suspect na nakilala lamang sa alyas na Ramon nang magkapikunan ang dalawa na humantong sa pananak­sak kay Amudion. Mabilis na tumakas ang salarin ma­karaan ang krimen.

Dakong alas-9 naman ng gabi nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspect ang biktimang si Caparas habang papasok ito ng kanyang bahay.  Mabilis na isinugod ang biktima sa Bernardino General Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa katawan.  

Makalipas ang dalawang oras ng barilin rin ng hindi pa nakikilalang salarin ang biktimang si Barcenas habang naglalakad ito sa kahabaan ng Pa­ngako St., sa Bagong Barrio­. Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan at motibo ng krimen.

Pinagtulung-tulungan namang bugbugin at saksakin ng limang hindi pa nakikilalang kalalakihan dakong alas-3:30 ng madaling araw si Escueta. 

Nabatid na naghihintay ito ng masasakyan sa may Phase 1 Bagong Silang nang palibutan at umpisahang ku­­yugin ng mga suspect. Ina­­­alam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang.

Show comments