MANILA, Philippines - Patuloy na umaatake ang grupo ng mga akyat- bahay gang na bukod sa pagnanakaw sa loob ng bahay ay nakikipagsabayan na rin sa pangangarnap ng sasakyan.
Ito ay matapos na isang empleyado ng Light Rail Transit (LRT) ang natangayan ng isang sasakyan matapos pasukin ang kanyang bahay at pagnakawan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Station 4 ng Quezon City Police, ang biktima ay kinilalang si Gerry Tiopes, 51, maintenance sa LRT, ng Beethoven St., Greenville Subd., Brgy. Sauyo, Novaliches sa lungsod.
Tinangay ng mga suspect sa biktima ang kanyang Toyota Crown model 2000 na may plakang WJA-353 at wallet na naglalaman ng P3,500 at mga identification cards.
Base sa pagsisiyasat ni PO3 Domingo Pedroso ng PS4, natuklasan ng mga biktima ang pagkawala ng sasakyan ganap na alas- 5:30 ng umaga.
Diumano, sinamantala ng mga suspect ang mahimbing na pagkakatulog ng pamilya Tiopes, kung saan nagawa ng mga una na makapasok sa pamamagitan ng puwersahang pagbukas sa bakod na steel grill. At nang makapasok ay saka sinimulan ang pagnanakaw. Pero bago tuluyang umalis, tinangay pa ng mga suspect ang nasabing sasakyan na siyang ginamit nila bilang get-away.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente at nakipag-ugnayan na rin ang mga ito sa anti-carnapping unit ng QCPD para sa kaukulang disposisyon.