MANILA, Philippines – Isang huwes sa Makati City at asawa nito ang nasawi makaraang salpukin ng isang rumaragasang bus ang kanilang sasakyan habang tinatahak ang Commonwealth Avenue para magsimbang gabi sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SPO2 Edgardo Talacay ng Traffic Sector ng Quezon City Police, kinilala ang mga nasawi na sina Judge Reynaldo Laigo, 70, ng Makati Regional Trial Court Branch 50, at asawa nitong si Lilia, 66, ng Winston St., Don Jose Subdivision sa lungsod.
Hawak naman ng awtoridad ang driver ng bus na si Generoso Maganti Jr., 42, ng Mayantoc Tarlac. Driver ng Corimba express bus (TXX-508).
Sa imbestigasyon ni Talacay, lumilitaw na nangyari ang insidente ilang metro ang layo sa tinutuluyang subdivision ng pamilya Laigo ganap na alas-5 ng madaling-araw.
Ayon kay Talacay, sakay ng kanilang Mitsubishi Mini-Pajero (RCU-547) ang mag-asawa at nakatakda sanang magsimbang gabi sa Good Shepherd Church sa Fairview at papalabas ng naturang subdibisyon patungong Commonwealth Avenue nang biglang sumulpot ang naturang bus.
Mula roon, direktang sinalpok ng bus ang sasakyan ng mga biktima na dahil sa malakas na impact ay halos mapipi ang sasakyan ng mga huli dahilan para maipit ang mga ito.
Agad namang nirespondehan ng mga rescuers mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga biktima kung saan dala ng matinding pagkakaipit ay tumagal ng halos 20 minuto bago tuluyang natanggal ang mga ito sa sasakyan.
Bunga ng matinding pinsalang natamo ng mag-asawa, si Judge ay idineklarang patay sa Fairview General hospital, habang ang asawa nito ay nasawi naman sa East Avenue Medical Center.
Habang si Maganti ay nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide. Ikinakatwiran nito na madulas umano ang kalsada kung kaya nangyari ang insidente.