MANILA, Philippines – Tiniyak ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang seguridad ng publiko ngayong kapaskuhan laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na gustong makapanlamang sa kanilang kapwa.
Inatasan na rin ni Echiverri ang lokal na pulisya na lalo pang paigtingin ang kampanya nito laban sa mga gumagalang kriminal partikular na ang mga holdaper at snatcher na nakakalat ngayon sa matataong lugar.
Nag-iikot din ngayon ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) at ang mga barangay tanod upang lalo pang matiyak na walang magiging biktima ang mga holdaper at snatcher sa nasabing lungsod.
Abala na rin ngayon ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactic (SWAT) ng Caloocan City Police sa pag-ikot sa mga pamilihan, bus terminal at iba pang matataong lugar upang matiyak na walang terorista ang makapaghahasik ng kaguluhan sa pagdiriwang ng kapaskuhan.
Maging ang mga bangko at mga kinalalagyan ng ATM (automated teller machine) ay bantay sarado din sa mga awtoridad dahil marami sa mga holdaper ang nag-aabang ngayon ng mga mabibiktimang nagwi-withdraw ng perang kanilang gagamitin sa pagdiriwang ng Pasko.