MANILA, Philippines – Sasalubungin ng may 100 pamilya ang malungkot na Pasko at Bagong Taon, matapos na masunog ang kanilang tahanan dulot umano ng napabayaang kalan ng isang residente habang nagluluto sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Bureau of Fire and Protection, tinatayang aabot sa 50 kabahayan ang naabo sa naturang sunog na nagsimula sa tahanan ng isang Rey Galvez, sa 48-F Sampaguita St., Kaingin Road, Brgy. Apolonio Samson ganap na alas-6:43 ng gabi.
Ayon kay Amadeo Geronimo, barangay tanod sa lugar, nag-ugat umano ang sunog sa napabayaang niluluto sa kalan ng mga Galvez kung saan tanging ang menor de edad na anak lamang umano ang naiwan dito.
“Ang sabi po, umalis muna sandali si Rey sa bahay, kaya naiwan ang bata, kaya nang pagbalik nya ’yun na nasusunog na ang bahay nila, mabuti na lang nakaligtas ang anak niya,” sabi ni Geronimo. Dahil gawa lamang sa light material ito ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay na rin ang kalapit bahay nito.
Nagkaroon din ng kaunting problema ang mga kagawad ng pamatay-sunog sa pag-apula ng apoy dahil sa mga nakahambalang na mga gamit kung kaya umabot ito sa ika-limang alarma bago naapula ganap na alas-8:15 ng gabi.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog habang patuloy na inaalam ng BFP ang ugat ng pag-apoy nito. Tinatayang aabot sa P3.5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasabing sunog.