MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy ang nagaganap na sunog sa Metro Manila ngayong Disyembre makaraang 200 pamilya na naman sa Taguig City ang nawalan ng kanilang tirahan sa mahigit dalawang oras na sunog kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Taguig Fire Department, dakong alas-11 ng gabi nang mag-umpisa ang sunog sa bahay ng isang Benirando Agpalasin sa may Diego Silang Village, Brgy. Ususan. Nabatid na sumiklab umano ang may tagas na tangke ng LPG na kabibili pa lamang.
Nagawa pa umanong ihagis palabas ng bahay ni Agpalasin ang lumiliyab na tangke ngunit sumabog ito at kumalat ang apoy sa bahay ng kapitbahay na si Walter Arcilla, 31, hanggang sa madamay na ang mga katabing bahay.
Umaabot sa 100 tahanan ang natupok ng naturang apoy kung saan naapula lamang ito dakong ala-1:25 na kahapon ng madaling-araw.
Sugatan sa naturang insidente ang sundalong si Private First Class Danreb Manalo at dalawa pang hindi nakikilalang residente.