Pangulo ng CIVAC binaril, grabe
MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang Pangulo ng Civilian Volunteer Against Crime (CIVAC) matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga armadong kalalakihan sa loob ng tanggapan nito sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang si Richard Rivera, 35-anyos, Presidente ng CIVAC na nakabase sa Malabon City at residente ng #231 Phase 5, Gozon Compound, Letre, Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod.
Ang biktima ay nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa caliber .9mm pistol.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Robert Miclat, ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:15 ng gabi sa loob ng opisina ng CIVAC na matatagpuan sa kahabaan ng P. Aquino St., Brgy. Longos ng naturang siyudad.
Nabatid, na nakikipagkuwentuhan ang biktima sa loob ng kanilang tanggapan sa dalawang miyembro ng CIVAC na sina Narciso Fernandez at Jose Rey Dadivas nang bigla na lamang pumasok ang suspek na armado ng baril.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ng isa sa mga suspect ang biktima at nang makita nitong nakahandusay na si Rivera ay nagmamadali itong tumakas patungo sa squatters area na matatagpuan sa Letre, Brgy. Tonsuya.
Tinangka namang sundan ng mga nakasaksi ang suspect ngunit bigla na lamang pinagbabaril ng kasama nito ang tanggapan ng CIVAC at nagtago rito si Fernandez at Dadivas upang hindi tamaan ng bala.
- Latest
- Trending














