MANILA, Philippines - Matapos na magdulot ng kaguluhan at pagkaantala ng ilang oras ang transaksyon ng Land Transportation Office (LTO), sinampahan na ng Quezon City Police ng coercion at tresspassing ang 33 security guards na nag-take over sa Stradcom kamakalawa.
Ayon sa ulat na ipinarating kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Benjardi Mantele ng Police Station 10, sinampahan na ng kaso ang naturang security guards sa pangunguna ng isang Moslem Katug, ng Unilateral Security and Safety Solution Inc. na may tanggapan sa # 536 Calabasita st., cor Calabash Rd., Balic-balic Sampaloc, Manila.
Ayon sa PS10, kinontrol umano ng naturang mga security guards ang Stradcom base sa utos ng kanilang security officers na nagdulot ng malaking kaguluhan bunga ng kawalang pahintulot ng mga ito sa lehitimong namamahala nito.
Hindi rin anya pinahintulutan ng nasabing mga guwardiya ang mga empleyado ng Stradcom na makapasok dahilan para maantala ang transaksyon at serbisyo ng LTO sa mga mamamayan.
Maalalang, pinagdadampot ng tropa QCPD sa pangunguna nina Senior Supt. Benjamin Magalong, deputy district director for administration, kasama si Supt. Constante Agpaoa matapos na bigyan sila ng ilang minuto para lisanin ang nasabing tanggapan.
Ito ay makaraang puwersahang itake-over ang Stradcom na matatagpuan sa LTO compound, East Ave., Barangay Pinyahan, ganap na alas 6 ng umaga at palayasin ang mga dating security guard na nakatalaga dito sa pamamagitan ng marahas na pamamaraan.