MANILA, Philippines - Isang lalaki ang namatay habang sugatan ang angkas nito makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang 18-wheeler na trak, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Anthony Creo, 23, ng M.H. Del Pilar St., Santolan, Malabon habang ginagamot naman sa Manila Central University (MCU) ang kasamahan nito na si Jerome Requiron, 21, ng Mesina St., Tinajeros, ng naturang lungsod.
Kusang-loob namang sumuko si Ruben Perillo, 24, ng Ranao-Ranao, Ligao, Albay at driver ng Isuzu Cargo Truck (EVS-617).
Nahaharap ito ngayon sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injuries”.
Sa ulat ng Malabon Police-Traffic Management Section, naganap ang insidente dakong ala-1:35 ng umaga sa kahabaan ng Gov. Pascual St., Bgy. Potrero, ng nasabing lungsod.
Lulan ang dalawang biktima ng Yamaguchi Flash motorcycle (8812-NE) nang makasalubong at sumalpok sa trak na minamaneho ni Perillo.
Tumalsik ang magkaangkas sa motorsiklo kung saan agad na nasawi si Creo na hinihinala ng pulisya na walang suot na helmet.