MANILA, Philippines - Natagpuang nakabalot ng isang itim na trash bag ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage sa panulukan ng P. Burgos St. at Ermita sa Maynila kahapon ng umaga.
Nakabalot din ng packaging tape ang buong ulo at may malalim na sugat sa noo ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas 5’5 hanggang 5’7, nakasuot ng kulay gray na t-shirt at brief, at may ‘BCJ tattoo sa katawan. Natagpuan ito ng isang basurero dakong alas-7 ng umaga sa gilid ng National Museum.
Samantala, iniahon naman ng Philippine Coast Guard ang bangkay ng isang lalaki na inilarawan sa edad na 40, 5’6 ang taas, naka-itim na t-shirt na hinihinalang nalunod sa Pasig River na sakop ng Muelle de la Industria, sa Delpan,Tondo, Maynila.
Dinala ang bangkay ng biktima sa St.Yvan Funeral Homes habang sa St. Harold Funeral Homes naman inilagak ang bangkay ng salvage victim.