MANILA, Philippines - Mahigit sa 300 mga iligal na istruktura sa gilid ng C-6 Road ang giniba sa demolisyon ng lokal na pamahalaan ng Taguig City na unang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pag-usbong ng mga iligal at propesyunal na squatters.
Binuo ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang isang task force na binubuo ng mga miyembo ng Taguig police at tauhan ng city hall kontra sa pagdami pa ng mga squatter sa lungsod. Pinamumunuan ito ni Taguig chief of police, Sr. Supt. Tomas Apolinario at Traffic Management chief Danny Canaveral.
Sinabi ni Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Cayetano, na nakatanggap sila ng impormasyon na ilan sa mga propesyunal na iskuwater ang nagtayo ng mga istruktura sa gilid ng C-6 Road sa Brgy. Hagonoy at Lower Bicutan kung saan nagre-recruit ang mga ito ng mga miyembro kapalit ng halagang P3,000 hanggang P5,000.
Sa kabila ng bahagyang pagpalag ng ilang katao, na naging mapayapa ang ginawang demolisyon ng naturang task force sa tulong ng pulisya na nagbantay sa seguridad sa naturang mga lugar. Agad namang binakuran ng task force ang naturang mga nalinis na lugar upang hindi na magbalikan ang mga propesyunal na iskuwater. Nabatid na nakalaan ang naturang mga lote sa nakaplanong pampublikong parke at playground ng mga bata sa lungsod.