2 bebot na human traffickers, tiklo

MANILA, Philippines - Dalawa pang babae na pinaghihinalaang taga dala ng mga undocumented Filipino Workers (OFWs) sa Malaysia at hinihinalang miyembro ng human trafficking syndicate ang naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA).

Kinilala ni BI Officer in Charge Ro­naldo Ledesma ang mga naaresto na sina Ernida Serrano ng Quezon City at Juliana Mercene ng Tondo, Maynila na kaagad na itinurn over sa National Bureau of Investigation (NBI) para masampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act sa prosecutors Office sa Angeles City.

Ayon kay Ledesma ang mga suspek at kanilang mga biktima ay papasakay na sana sa Air Asia patungong Kuala Lumpur ng muli silang pababain ng mga ope­ratiba ng BI. Sinabi naman ni Atty. Carlos Capulong, DMIA-BI head supervisor na bago naaresto ang dalawang suspek ay naharang na nila ang umano’y anim na Overseas Filipino Workers (OFW) matapos na magpresinta ang mga ito ng pekeng identification cards na binigay ni Serrano.

Kaagad namang nag-execute ng affidavit ang mga biktima ng trafficking kung saan tinuturo ng mga ito si Serrano na siyang nag-ayos ng kanilang biyahe at mga pekeng IDs at ang mga suspek din umano sana ang magsasama sa mga biktima sa Kuala Lumpur kung saan sila magtatrabaho bilang waitresses at salesclerks, dahil dito kayat naaresto ng BI sina Serrano at Mercene.

Idinagdag pa ng mga biktima na nag­bigay sila kay Serrano ng P10,000 hanggang P30,000 para sa pagproseso ng kanilang dokumento.

Show comments