MANILA, Philippines - Isang binata na kapangalan ni dating Pangulong Carlos P. Garcia ang nasawi makaraang sumpakin ng isa sa tatlong lalaki na hinihinalang miyembro ng kaaway na gang ng biktima, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Carlos Garcia y Hermosa, 24-anyos, ng #40 B. Sitio Rosal street, Brgy. Maysilo sa naturang lungsod. Nagawa pang isugod ito sa Manila Central University Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay.
Pinaghahanap naman ngayon ang mga nakatakas na suspek na nakilalalang sina Joel Enriquez, Je Enriquez at isang Olek Dionisio, pawang naninirahan sa Dionisio street, Brgy. Maysilo.
Sa salaysay ng saksing si Serafin sa Malabon police, nakaistambay sila ng kanyang kuya at mga kabarkada sa Sitio Rosal street dakong ala-1:10 ng madaling araw nang biglang dumating ang tatlong suspek na armado ng sumpak at mga balisong.
Agad umanong kinorner ng mga ito ang biktima na binaril ng sumpak kung saan tinamaan ito sa kanang bahagi ng dibdib. Agad na nagsitakas ang mga salarin makaraan ang pamamaril.
Isinasailalim na sa imbestigasyon ang mga kabarkada ng biktima upang mabatid ang motibo ng pamamaslang.