MANILA, Philippines - Dahilan sa gintong singsing na hindi matanggal sa kaniyang daliri, napatay ang isang seaman na dumaranas ng mild stroke matapos itong pagbabarilin ng pumalag sa isa sa dalawang riding in tandem na holdaper sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg ang biktimang si Alexander de Chavez Maliwanag, 63 anyos, residente ng #714 Granate St., Quiapo, Maynila na sinasabing tuluyang binawian ng buhay sa Ospital ng Sampaloc.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District laban sa mga suspect na inilarawang isa rito ay nakasuot ng full face helmet, gas mask, nakasuot ng guwantes, may taas na 5’5 hanggang 5’7, medium built, nakasuot ng itim na jacket at maong pants, at kulay kayumangging sapatos. Ang mga ito ay sakay ng isang kulay asul na Honda wave motorcycle na walang plaka at armado ng cal .45 baril.
Sa ulat ni PO2 Lester Evangelista, dakong alas- 8:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng isang water refilling station, sa No. 940 Bilibid Viejo at panulukan S.H. Loyola ng nabanggit na lugar.
Nabatid na ang mga suspect ay nakita umano ng mga vendor na tila may inaabangan sa lugar hanggang sa dumating ang biktima at nakitang bumibili ng mineral water.
Nang sapilitang agawin umano ang bracelet ng biktima ay pumapalag pa ito at ng ang mamahaling gintong singsing na suot ang sapilitang kinukuha ay hindi umano matanggal hanggang sa sumigaw ang isa sa suspect na nagmamaneho ng motorsiklo ng : “Tirahin mo na Yan”.
Mabilis na pinaputukan ng suspect sa tagiliran ang biktima bago nagsitakas sa direksiyon ng S. Loyola St.
Patuloy pang iniimbestigahan ang kasong ito upang makakuha ng iba pang impormasyon sa pag-establisa ng motibo at pagkilanlan ng suspect.