Nakialam sa away ng mag-syota, itinulak sa dagat utas
MANILA, Philippines - Basag ang bungo at bumubula ang bibig ng isang lalaki na itinulak umano matapos pagtawanan ang pag-aaway ng magsyota sa sea wall ng Roxas Blvd. sa sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Isinalarawan ang biktima na nasa edad na pagitan ng 30 hanggang 35-anyos, may taas na 5’5’’ hanggang 5’6’’, payat ang pangangatawan, kulot ang buhok, may bigote, nakasuot ng kulay maroon na short na may stripe at puting t-shirt at may malaking tattoo ng “paru-paro” sa likurang bahagi ng kanyang katawan at tattoo na nakatatak ang pangalan na “Junel Lamteson”.
Hindi naman nakilala ang suspek na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.
Base sa report, dakong alas-11:35 ng gabi nang maganap ang insidente sa sea wall ng Bay walk at harapan ng Diamond Hotel sa Roxas Blvd., Malate.
Nauna rito, nagtatalo umano ang suspek at girlfriend nito sa nasabing lugar nang dumaan ang biktima na lasing at pinagtatawan at nakialam sa pagbabangayan ng mag-syota at saka tumigil at umihi sa sea wall paharap sa dagat.
Nakita ito ng suspek kaya nilapitan ang biktima at sinabihan na “Bakit ka umihi dito, may mga babae dito,” sabay itinulak ang una.
Nang nahulog ang biktima sa tubig, tumakas ang suspek kasama ang kanyang girlfriend sakay ng kanyang motorsiklo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may sugat ang biktima sa kanyang noo at bumubula ang bunganga.
- Latest
- Trending