MANILA, Philippines - Isang 22-anyos na lalaki ang nasawi makaraang barilin ng isa sa limang kalalakihan na nambastos sa kanyang kinakasama kahapon ng umaga sa Navotas City.
Patay na nang idating sa Pagamutang Lungsod ng Malabon (PLM) sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa dibdib ang biktimang si Alvin Arejeza, ng Chungkan St., Brgy. Tanza ng nasabing lungsod.
Nagsasagawa naman ngayon ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa limang mga suspek na ang isa ay kinilala lamang sa alyas na Artem.
Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4 ng umaga sa Kalatsusi St., Merville Subd., Brgy. Tanza.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima sa naturang lugar kasama ang live-in partner nito na hindi na binanggit ang pangalan nang masalubong ang limang suspek.
Binastos ng mga suspek ang babae na ipinagtanggol naman ng biktima ngunit bago pa makapanlaban si Arejeza ay mabilis na bumunot ng baril si Artem at walang sabi-sabi itong pinaputukan.