MANILA, Philippines - Isa pang magsasaka ang nagdiin kahapon sa pamilyang Ampatuan na siyang may kagagawan sa pagmasaker sa 57 katao sa pagpapatuloy ng pagdinig ng patung-patong na kaso ukol sa Maguindanao masaker sa Quezon City Re gional Trial Court sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig City kahapon.
Iprinisinta ng prosekusyon ang kanilang ikatlong saksi na si Abdul Abubakar Esmael, 42, ng Sitio Masilay, sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao sa sala ni Judge Jocelyn Reyes-Solis.
Sinabi ni Esmael na nasa itaas siya ng isang burol at ihahatid sana ang mga aning mais sa gilingan nang masaksihan ang masaker.
Sinabi nito na nakita niya si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na namumuno at iniuutos sa mga armadong tauhan ang pagkaladkad sa mga biktima.
Pinahiga umano sa lupa ang mga biktimang umiiyak at nagmamakaawa kay Ampatuan. Sunud-sunod na pinagbabaril umano ang mga ito nang ipag-utos ni Ampatuan.
Idinagdag pa nito na higit 100 umano ang armadong lalaki na sangkot sa masaker kung saan ang iba ay naka-uniporme ng pulis at ang iba ay nakasuot ng camouflage military uniform.
Gumawa rin ng isang sketch si Esmael ng kanilang sitio upang ipakita ang lapit nito sa lugar ng masaker.
Napansin umano siya ni Ampatuan nang papaalis na siya at inutusan ang dalawang tauhan na pabalikin.
Isa naman sa apat na lalaki na lumapit sa kanya ang pinayagan siyang makaalis dahil sa hindi naman umano ito sangkot sa insidente.
Sinabi pa nito na agad silang umalis ng kanyang pamilya sa kanilang tirahan at tumira sa tagong lugar dahil sa takot.