MANILA, Philippines - Naniniwala ang isang opisyal ng Manila City Hall na mahihirapan ang pamahalaan na malinis ang mga ilog sa Metro Manila bunsod na rin ng umano ’y illegal at maanomalyang sistema na ginawa sa paglinis nito kung saan isinagawa ng isang Belgian contractor.
Ayon kay Engr. Melvin Balagot, chief ng City Planning and Development Office ng city hall, imposibleng malinis ang Pasig River at Manila Bay samantalang sa lugar din itinapon ang mga basurang nahukay dito ng Baggewerken Decloedtan ZA (BDC).
Sinabi ni Balagot na nagkausap sila ni Engr. Allan Polintan, Deputy Executive Director ng Pasig River Rehabilitation Commission (PPRC) kung saan sinabi nito na may hinukay sa Manila Bay na pinagtapunan ng mga basurang nakuha sa Pasig River na tinabunan ng putik at naka-sealed.
Nabatid kay Balagot na kasama si City Administrator Jesus Mari Marzan, inatasan sila ni Manila Mayor Alfredo Lim na imbestigahan ang naturang dredging project na nagkakahalaga ng P4.5- bilyon.
Giit ni Balagot, tila paglabag umano sa kautusan ng Korte Suprema ang ginawa ng contractor at ilang opisyal ng pamahalaan matapos na pirmahan ang kontrata para sa dredging project. May utos umano ng SC na linisin ang Manila Bay at Pasig River.
Lumilitaw na sumulat din si Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas kay Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Chairman Gina Lopez, upang malaman kung saan dinala ang mga basurang nakuha mula sa 20 kilometrong haba ng ilog at kung paano ito itinapon.
Ayon naman kay Lim, unang plano na itapon ang mga basura sa Baseco subalit tinutulan nila dahil na rin sa amoy nito at sa mga residente na maaapektuhan.
Nauna rito, sinabi din ni Lim na dapat umanong may permit ang contractor dahil ang dredging at pagtatapon ng basura ay sa hurisdiksiyon ng Maynila.