MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na binatilyo ang patraydor na sinaksak ng isang lalaking sinasabing naasar at napangitan sa pagsasayaw ng una sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Nasa kritikal na kondisyon sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong saksak sa likod ang biktimang si Jerikson Villaron, ng M. de Vera St., Brgy. Navotas West ng nasabing siyudad.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang suspect na mabilis na tumakas matapos ang ginawang pananaksak sa biktima.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa kahabaan ng M. de Vera St., ng nabanggit na barangay.
Ayon sa salaysay ng mga testigo na tumangging magpabanggit ng pangalan, kasalukuyang nagpapraktis ng sayaw ang biktima kasama ng ilan nitong kaibigan nang dumating ang suspek. Agad umanong kinantiyawan ng suspek ang biktima sa pangit nitong sayaw subalit hindi naman ito pinansin ni Villaron hanggang sa tuluyang mainis ang lalaki at biglang patraydor na sinaksak ang binatilyo saka mabilis na tumakas.