Fixers sa paligid ng DFA, winalis ng PNP

MANILA, Philippines - Napuno sa dami ng inarestong mga hinihinalang fixers­ ang tanggapan ng Pasay Station Investigation and Detective­ Management Section (SIDMS) sa isinagawang operasyon sa bisinidad ng Department of Foreign Affairs (DFA), kahapon ng umaga. Sa kabila nito, nasa 13 lamang sa higit 30 katao ang nasampahan ng kasong paglabag sa “Anti-Fixers Law” ng pulisya dahil sa ang mga ito lamang ang may pormal na complainant habang pinalaya naman ang iba. Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng ope­rasyon ang Pasay police sa bisinidad ng DFA sa may Libertad at FB Harrison street makaraang dumagsa ang reklamo sa kanila ng mga nalolokong aplikante ng pasa­porte at humingi na rin ng tulong ang isang opisyal ng DFA upang matigil na ang operasyon ng mga fixers sa kanilang tang­­gapan­. Sumisingil umano ng doble o triple sa itinakdang halaga sa pagbabayad ng pasaporte ng mga fixers ang mga aplikante sa pangakong mapapaaga o mapapabilis ang pagpapalabas ng kanilang pasaporte kaysa sa normal­ na panahon na itatagal nito.

Show comments