Imprentahan ng pekeng pera, sinalakay

MANILA, Philippines - Sinalakay ng pinag­sa­nib na puwersa ng Na­tional Bureau of Inves­tigation (NBI) at Bangko Sentral ng Pilipinas ang isang printing press na nag-iimprenta umano ng pekeng pera, kahapon ng madaling araw sa Para­ñaque City.

Pinasok ng mga aw­to­ridad ang naturang im­ prentahan sa may Quirino Avenue, Brgy. Dongalo dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa bisa ng search warrant na inilabas ni Paranaque Executive Judge Fortu­nito Madro­gan ng branch 274.

Sa ulat na nakarating sa Parañaque police, isang tauhan ng impren­ta­han ang nadakip na nakilala lamang sa pa­ngalang Jenzen Velasco, alyas Jimboy.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga pe­keng pera na naimprenta na kung saan karamihan ay hindi pa natatabas. Na­batid din na nag-iimprenta rin ito ng iba pang “treas­ury bank notes” ng ibang mga bansa.

Ayon sa pulisya, nag­padala lamang ng “co­ordination notice” ang NBI sa kanila kung saan  ito ang nanguna sa ope­rasyon.  Posible umano na matagal nang mina­man­manan ng mga ta­uhan ng NBI ang natu­rang imprentahan bago isagawa ang pagsalakay.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 166 ng Revised Pe­nal Code of Manu­fac­turing of Counterfeit Bills ang naarestong suspek at ang mga ma­dadakip na kasabwat nito na isasam­pa ng BSP at NBI. (Danilo Garcia at Ludy Bermudo)

Show comments