MANILA, Philippines - Ipinadampot ng may 15 biktima ang illegal recruiter na kanilang minanmanan sa loob ng buong magdamag matapos ilang ulit silang paasahin na makapagtatrabaho sa bansang Egypt, kamakalawa ng madaling-araw sa Malate, Maynila.
Hindi na iniwan ng mga biktima hanggang sa masampahan ng reklamong paglabag sa large scale illegal recruitment at estafa sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na kinilalang si Arlene Olarte, alyas Ola, 53, ng Malate, Maynila.
Kamakalawa ng hapon ay nagtiyagang bantayan ng mga biktima ang suspect at dakong alas-5:30 na ng umaga nang madakma ito ng mga miyembro ng Manila Police District-General Assignment Section(MPD-GAS) sa tanggapan nito sa Malate, Maynila.
“Ilan buwan din kaming pinaghintay niyan tapos hindi naman kami nakaalis… ang iba sa amin nag-resign pa sa trabaho. Maraming opportunity ang nasayang sa amin,”anang isang biktima na kinilalang si Edison Aguilar.
Hiningian umano sila ng suspect sa magkakaibang halaga mula P9,000-P75,000 bilang processing fee at iba pang doku mentasyon para makapagtrabaho sa Egypt at inasahan nila ito hanggang sa bigyan sila umano ng flight details. Bigo silang makaalis nang maberipika na wala ang kanilang mga pangalan hanggang sa pangakuan sila muli na hindi na umano natupad. Kasalukuyang nakapiit sa MPD-GAS ang suspect na tumangging magbigay ng pahayag sa media.