MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Supreme Court Justice Renato Corona na hindi na sa De La Salle University gagawin ang taunang Bar examination.
Gayunman, agad ding nilinaw ni Corona na walang kinalaman dito ang naganap na pagsabog sa huling araw ng Bar examination kamakailan kung saan marami ang mga nasugatan.
Ayon kay Corona, noong isang taon pa nagpasabi ang pamunuan ng De La Salle na ayaw na nilang i-renew ang lease contract upang doon maisagawa ang taunang Bar exam.
Katwiran aniya ng La Salle ay nadudumihan ang kanilang paaralan sa tuwing nagsasagawa ng Bar exam.
Kabilang naman sa mga pinag-aaralan ng SC ay ang paglilipat ng venue ng Bar exam sa University of Santo Tomas o di kaya’y sa Adamson University.
Sinabi pa ni Corona na maganda sana ang Ateneo de Manila University dahil malawak ang lugar nito subalit magkakalayo ang mga classroom rito at hindi naman anya lahat ng barristers ay may sasakyan.
Samantala, binisita naman kahapon ni Corona ang isa pang biktima sa pagsabog sa Bar exam na si Patricia Salang sa St. Claire Hospital upang matiyak kung nasa maayos nang kalagayan ang nasabing biktima.