MANILA, Philippines – Ibinasura ng Makati City Regional Trial Court ang kasong hazing laban sa apat na miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) na sangkot sa pagkamatay ng isang estudyante ng University of Makati noong Agosto, 2010 sa ginanap na initiation rites.
Sa desisyon ni Judge Honorio Guanlao ng RTC Branch 57, walang nakitang probable cause upang sampahan ng kaso ang mga akusado na sina John Reynald Marin, Roesel Wenceslao, Michael Pagulayan at Rico Mansalapus na isinasangkot sa kasong hazing kung saan namatay si EJ Karl Intia, 19.
Nakatakda namang magsampa ng motion for reconsideration ang kampo ng prosekusyon sa pangunguna ni Asst. Prosecutor Lody Tancioco na nagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act 8049 (Anti-Hazing Law) laban sa mga suspek.
Sa rekord ng pulisya, natagpuan ang bangkay ni Intia noong Agosto 15 sa bangin sa Sta. Maria, Laguna. Dito nadiskubre ng mga imbestigador na sumailalim sa hazing rites si Intia upang makapasok sa APO fraternity.
Noong nakalipas na linggo, hiniling ng korte sa panig ng prosekusyon na magpakita ng dagdag na ebidensya laban sa mga akusado makaraang ipakita lamang ang affidavit ng mga pulis na umaresto sa mga suspek.