Ama, 3 anak natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang katauhan ng apat na mag-aama makaraang matusta nang buhay sa nasunog nilang bahay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni F/Insp.Arvin Santos hepe ng Quezon City Masambong Fire Station, ang mga nasawi na sina Leo Tatac, 36 at mga anak na sina Jeremy, 14, Darryl, 8; at Gerald, 7, pawang residente sa 35 kanto ng Kundiman St., Matimyas St., Brgy. Paltok sa lungsod.
Ayon kay Fire Officer 2 Fortunato Alde, magkayakap pa ang bangkay ng mag-aamang Leo, Jeremy, at Darryl nang kanilang matagpuan sa ikalawang palapag ng bahay, habang ang katawan naman ni Gerald ay natuklasan naman sa ground floor nito na natatabunan ng mga nasunog na kahoy.
Sinabi ni Alde, dahil sunog na sunog ang buong kabahayan, hindi nila napuna ang katawan ni Gerald kung hindi pa nila ito natapakan habang nagsasagawa ng clearing operations.
Bukod dito, malubhang nasugatan din ang asawa ni Leo na si Gilda, matapos na tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay paibaba kasama ang isa pang sugatan na si Angelo Ticzon, kapitbahay ng mga biktima.
“Sabi ng mga residente, umaapoy pa ang katawan ni Gilda nang tumalon sa 2nd floor kaya bukod sa nasunog ang balat baka napinsala rin ang mga buto nito,” sabi pa ni Alde.
Sa pagsisiyasat, nagsimula ang sunog dakong alas-12:25 ng madaling-araw sa ground floor na nasa kaliwang bahagi ng bahay ng mga biktima.
Dahil pawang yari lamang sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ang buong kabahayan.
Kasalukuyan namang natutulog sa kanilang kuwarto sa ikalawang palapag ang pamilya Tatac kung kaya wala nang nagawa ang mga ito nang ma-trap sa loob.
“Wala kasing exit ang bahay, kaya nakulong silang apat sa kuwarto, si Gerald kaya napahiwalay, posibleng nahulog na lang paibaba nang masunog ’yung sahig,” ayon pa kay Alde.
Umabot lamang sa ikalawang alarma ang sunog na naapula naman agad ng rumespondeng bumbero ganap na ala-1 ng madaling-araw, kung saan tumambad sa kanila ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga biktima.
Ayon kay Alde, wala pa silang tiyak na dahilan ng sunog, pero isa sa kanilang tinitingnang sanhi nito ay ang napabayaang kandila na base sa mga kapitbahay ay maaaring ginamit ng pamilya matapos na sila ay mawalan ng suplay ng kuryente.
- Latest
- Trending