MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jose De Jesus na kokonsultahin muna ang publiko bago ipatupad ang pagtataas sa pasahe sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit.
Sinabi ni De Jesus na itatakda nila anumang araw ang public hearing bago ang implementasyon ng fare hike sa buwan ng Oktubre.
Nilinaw naman nito na hindi pa tiyak ang P25 na pagtataas na maaaring umabot rin sa P30.
Ito’y makaraan ang pagkontra ng National Council for Commuter’s Protection (NCCP) sa planong pagtataas sa pasahe sa dalawang train system na umano’y siya na lamang natitirang uri ng transportasyon na nakakayanan ng mga ordinaryong mga empleyado na napakaliliit lamang ng suweldo.
Ngunit sinabi ni DOTC Spokesman Undersecretary Dante Velasco na target lamang ng DOTC na pantayan ang pasahe sa mga aircondition bus na mula P20-P21 sa bawat pitong kilometrong biyahe.