MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng “Acetylene gang” ang muling umatake sa isang pawnshop, na tumangay ng mga alahas at cash na tinatayang nasa P6.8-milyon sa panulukan ng Jose Abad Santos at Tayuman Sts. sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nadiskubre na isang maliit na butas sa kisame ng Bellardo Pawnshop na nasa unang palapag ng gusali ang pinagdaanan ng mga suspect na inilarawan sa edad na 40 hanggang 50.
Sa ulat ni PSupt. Ferdinand Quirante, nagawang makalusot papasok sa pawnshop ng mga suspect sa pamamagitan ng pagbutas sa sahig ng kanilang inuupahang apartment sa nasabi ding gusali. Ang kuwarto umano ng mga suspect ay mismong tapat ng kisame naman ng pawnshop.
Sa pagtaya umabot sa halagang P5-milyon ang mga alahas na nakulimbat at P1.8 milyong cash mula sa vault.
Nadiskubre lamang ang krimen ng empleyado ng pawnshop na si Vernalyn Pulido, nang pumasok ito dakong alas-8 ng umaga kahapon. Nakita niya ang butas sa kisame , habang ang vault naman ay wala nang laman.
Sa pahayag naman ng may-ari ng gusali na si Mario Ramos, isang buwan pa lamang umanong nangungupahan ang mga suspect sa 2nd floor. Itinawag lamang umano ng isang nagpakilalang “Malou” na kung maaaring umupa ang kaniyang mga tindero sa apartmenrt ni Ramos.
Wala rin umanong napansin na kakaibang kilos sa dalawang suspect maliban sa pagbubukas umano ng napakalakas na tugtugan sa radio hatinggabi ng Martes, na hinihinalang dito na isinagawa ang operasyo para pasukin ang pawnshop.