MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa kilalang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage at kapwa tadtad ng saksak, pasa at mga taga na halos maghiwalay sa bahagi ng kanilang katawan, ang nakitang lumulutang sa breakwater sa South Harbor, sa Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ang isa na nasa 20-anyos, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5’6’’, may kaitiman ang kulay ng balat, maiksi ang buhok, nakasuot ng puting stripes na t-shirt, green na short pants na bulaklakin at blue na underwear, habang ang isa pang biktima ay tinatayang 30-anyos, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5’7’’, maitim ang kulay ng balat, semi-kalbo ang gupit ng buhok at hubo’t hubad.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga nang mapadaan ang mga kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG) sa breakwater, sa South Harbor na dito nga nakita ang nakalutang na mga bangkay sa magkahiwalay na lugar, bagamat di kalayuan. Isa sa may pampang at isa ay sa gitna ng breakwater.
Hinala ng pulisya, naanod sa lugar ang dalawa na posibleng sinalvage sa ibang lugar. Inilagak na sa St. Harold Funeral Homes ang dalawang bangkay.