Mga pasaway sa basura, tututukan ng MMDA
MANILA, Philippines - Simula sa darating na buwan ng Setyembre, tututok na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panghuhuli sa mga walang pakundangan magtapon ng basura base sa ipinatutupad na “Anti-Littering Law”.
Bukod sa mga nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar, kalsada at daluyan ng tubig, hihigpitan rin ang lahat ng komersyal na establisimyento sa kanilang basura at pagpapanatili ng kalinisan.
Sa ilalim ng batas, iisyuhan ang sinumang mahuhuli ng “Environmental Violation Receipt (EVR)” na may multang mula P500-P1,000 at parusang serbisyo komunidad. Ang mga hindi makakasunod dito ay hindi papayagang makakuha ng “clearance” sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inatasan na ni Chairman Francis Tolentino ang kanilang Health, Public Safety, and Environment Protection Office (HPSEPO) na tapusin na ang “manual of operation” kung saan nakapaloob ang lahat ng umiiral na ordinansa ng 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila ukol sa pagkakalat.
- Latest
- Trending