5 high school students sugatan sa rally
MANILA, Philippines - Nasugatan ang limang high school students makaraang piliting makapasok sa main building ng Deparment of Education (DepEd) at makipagpambuno sa mga security guards ng ahensya, kahapon ng umaga.
Sa impormasyong ipinadala ng League of Filipino Students (LFS), kinilala ang mga estudyanteng isinugod sa Rizal Medical Center dahil sa sugat sa ulo sina Ronald Santos, Mark Gil Gamido, Ivan Bontorostro, Raymond Ubero, at James Anajao. Nagdugo naman umano ang tenga ni Anna Tolentino nang masuntok sa ulo habang pinosasan si Ronald Gustillo.
Dinala rin naman sa naturang pagamutan ang ilang security guard ng DepEd na nagtamo rin ng mga sugat nang pagtulungang gulpihin rin ng mga raliyistang kabataan na may kasamang ilang mga matatanda na namumuno sa kanila.
Sinabi ni Kenneth Tirado, public information office head, dakong alas-11 ng tanghali nang makapasok sa compound ng ahensya ang mga raliyista at nagtipun-tipon sa tapat ng main building kung saan inumpisahan ang kilos-protesta.
Inumpisahan umano ng mga raliyista ang pagiging bayolente nang itulak at tapikin ang “glass window” ng gusali. Dito na pinilit na palayuin ng mga guwardiya ang mga raliyista sa pangamba na mabasag ang salamin ngunit isa umano sa mga raliyista ang nag-umpisang manuntok hanggang sa magkagulo na.
Nakatakda namang mag-counter file ng kaso ang magkabilang grupo ng mga raliyista at mga security guards na nasaktan sa insidente.
Sinabi ni Tirado na posibleng rebisahin nila ngayon ang ipinapatupad na seguridad ng DepEd dahil sa malayang nakakapasok ang mga raliyista sa compound at nakakapagrally sa tapat ng main building. Ayon sa mga guwardiya na nakapanayam ng PSN, nagpapanggap umano na magkamag-anak na estudyante at magulang ang mga raliyista na may isasangguni sa DepEd, paisa-isang papasok sa compound saka magsasama-sama at mag-uumpisa ng rally dala ang mga placards na itinago sa kanilang mga bag.
Ayon sa mga raliyista, ilang beses na silang pabalik-balik sa DepEd upang humingi ng dayalogo sa mga opisyal ng ahensya ukol sa iligal na paniningil sa kanilang mga paaralan ngunit hindi sila pinakikinggan.
- Latest
- Trending