MANILA, Philippines - Hawak na ng Makati police station ang apat na mga miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) na mga suspect sa pagkamatay ng isang estudyante ng University of Makati sa isang “initiation rites” ng fraternity.
Tumanggi muna ang Makati police na pangalanan ang mga suspect na nasa pagitan umano ng edad na 17-20 anyos na kusang-loob na sumuko sa pulisya makaraan lumabas ang ulat sa pagkamatay ng 19-anyos na si EJ Karl Intia, estudyante rin ng UMAK.
Ayon kay P/CInsp Dennis DL Macalintal, chief of Station Investigation and Detention Management, nasa 15 katao umano ang sangkot sa hazing rites na naganap sa Brgy. San Antonio, Makati noong nakaraang Sabado.
Nadiskubre naman ang bangkay ni Intia noong Agosto 15 sa isang bangin sa Brgy. Laurel, Sta. Maria, Laguna. Nalaman lamang ito ng pulisya makaraang tumawag ang mga tauhan ng Laguna Police Office sa kanila dakong ala-1 kamakalawa ng hapon sa pagkakatagpo ng bangkay ni Intia.
Agad namang tinawagan ng pulisya ang ama ng biktima na si Oscar Intia na iniulat na nawawala ang kanyang anak noon pang Agosto 14.
Dismayado naman si Vice-President Jejomar Binay sa mga batang miyembro sa kinaaniban na fraternity na APO dahil sa hindi agad pagpapaalam sa mga otoridad sa pagkamatay ng isang neophyte. Inatasan na nito ang pulisya na agad na gumawa ng aksyon upang mapanagot ang mga sangkot sa krimen.
Isinasailalim naman ngayon ng Makati police ang sumukong apat na suspect upang mabatid ang tunay na naganap at upang makilala at maaresto ang iba pang sangkot sa naturang hazing.