MANILA, Philippines - Sinisisi ni Manila 3rd District Councilor Bernardito Ang ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila dahil sa gulo at kalituhang nangyayari kaugnay ng nalalapit na barangay elections.
Ayon kay Ang, isang araw ang ginugugol ng mga nais na makapagparehistro kung saan labu-labo at nakakalat ang mga ito sa kalsada.
Sinabi ni Ang na walang sistema ang tanggapan ng Comelec dahil kailangan munang umakyat sa 2nd floor ang isang aplikante at saka pababain para maghintay na tawagin ang pangalan.
Aniya, hindi man lamang alintana ng mga Comelec personnel ang hirap na dinaranas ng mga nais na magparehistro.
Lumilitaw na umaabot lamang sa 2,500 katao ang nakakapagparehistro samantalang halos milyon ang botante sa Maynila.