MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na pagdukot ang tatay ng sikat na singer-actress na si Sarah Geronimo mata pos na makatakas ito sa kanyang kidnaper kasabay ng pagdakip sa huli na naganap sa may basement ng ABS-CBN network sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Takot na dumulog sa tanggapan ng Police Station 10 ng Quezon City Police ang ama ng aktres na si Delfin Geronimo, 55, ng 17 Saint Michael St., Saint Cathedral Executive Village, Tandang Sora, para ireklamo ang suspect na agad namang nadakip na si Paulino Mercado, 43, ng 3008 Co. J. Elises St., Taclong 1st 1, Cavite City.
Sa panayam kay Mang Delfin ng PSN, tinangka umano siyang dukutin ng suspect sa pamamagitan ng pagkuryente sa kanya, pero nagawa niyang makaligtas matapos na ma tabig niya ito at makatakbo siya palabas ng sasakyan.
Nangyari ang insidente sa may basement 1, parking area ng ABS-CBN na matatagpuan sa Eugenio Lopez drive Brgy. South Triangle sa lungsod pasado ala-1 ng tanghali.
Ayon kay Mang Delfin, kasalukuyan siyang umaasiste sa kanyang anak na nagpe-perform sa ASAP nang tawagin siya ng guwardiya dahil may naghahanap sa kanyang isang lalake na tauhan daw ng iniindorsong Sunsilk ng anak at may regalong ibibigay sa kanya na dapat niyang pirmahan.
Pero dahil ayaw niyang iwan ang anak ay kinausap ni Mang Delfin ang assistant ng anak na ito na lamang ang kumausap, pero makalipas ang ilang segundo ay bumalik ang assistant at siya daw ang kailangang kumuha.
Dahil dito, nagpasya siyang iwan sandali ang anak at pinuntahan ang suspect kung saan dinala siya sa basement kung saan nakaparada ang isang lumang Hyundai van na tampered ang plaka.
Dito ay pinapasok ng suspect si Mang Delfin habang tinitignan niya ang mga sinasabing regalo ay bigla siyang nakaramdam ng boltahe ng kuryente mula sa kanyang likod.
At dala ng kutob na may masamang mangyayari sa kanya ay agad niyang siniko ang lalake saka mabilis na humingi ng tulong sa mga guwardiya ng nasabing TV network at inaresto ang suspect.
Ayon pa kay Mang Delfin, wala naman siyang kaaway para gawin sa kanya ang nasabing insidente at isa lamang ang alam niyang pakay nito at siya ay kidnapin dahil may mga nakita siyang mga cable wire at natatabingan ng kumot na nasa likurang bahagi ng van na posibleng doon siya itago kung nagawa nitong patulugin siya.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng PS10 ang suspect habang patuloy ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.