MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang kapwa nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa “Muslim Center” sa Taguig City mula kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Taguig City police, nakilala ang mga nasawi na sina Ismael Mama, ng Caramay St., Pag-asa Village, Brgy. Kaunlaran at Gifford Tanudra, 32, ng Blk. 32 Lot 7 Barracks St., Maharlika Village.
Nabatid na naglalakad sa Kabuntalan Street sa Maharlika Village si Mama dakong alas-4 ng hapon nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa madiskubre ang duguang bangkay nito sanhi ng tama ng mga bala ng kalibre .45 baril.
Naging palaisipan naman sa pulisya ang pagsira sa ebidensiya ng mga kaanak matapos kunin kaagad ang bangkay at linisin ang lugar na pinangyarihan ng krimen.
Dakong alas-12:40 naman ng madaling-araw nang pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay ng mga hindi nakilalang suspek ang biktimang si Tanudra. Hinihinalang kakilala ng biktima ang mga pumaslang dahil sa pinagbuksan pa umano nito ng pinto ang mga salarin.
Narekober ng pulisya ang mga basyo ng bala ng M-16 armalite rifle at hindi pa mabatid na kalibre ng baril tanda na hindi lamang iisa ang pumaslang sa biktima.
Tikom naman ang bibig ng mga residente ng Muslim Center kaya nahihirapan ang pulisya sa imbestigasyon.
Inaalam ng pulisya ang anggulo sa iligal na droga at ang posibilidad na may kaugnayan ang dalawang naganap na pagpatay.