3 miyembro ng 'Estribo gang' todas sa shootout
MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng kilabot na “Estribo gang” ang napatay habang isang kagawad ng pulisya ang sugatan makaraan ang isang shootout na naganap sa pagitan ng mga ito ilang minuto makaraang holdapin ng grupo ng mga una ang isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon kamakalawa.
Dahil pawang mga walang pagkakakilanlan isinalarawan ang mga nasawing suspect kung saan ang isa ay may edad na 25-30, may kapayatan, may taas na 5’3, nakasuot ng polo shirt at maong na pants; ang pangalawa ay may edad na 23-25, payat, moreno, nakasuot ng asul na t-shirt, at pink na short pants; at ang huli ay nasa edad na 30-35, may kapayatan, naka-undershirt na maong pants at nakasuot ng itim na bull cap.
Narekober sa kanila ang dalawang kalibre .38 at isang kalibre 45 baril.
Sugatan din sa insidente si POI Obed Añonuevo, nakatalaga sa District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) ng Quezon City Police na ginagamot ngayon sa St. Lukes Medical Center sanhi ng tama ng bala ng baril sa kanyang kaliwang balikat.
Ayon kay Chief Supt. Benjardi Mantele, district director ng QCPD, sinisikap na ng kanyang mga tauhan na makuha pa ang dalawa sa mga kasamahan ng mga suspect kabilang ang isang menor-de-edad na batang babae na ginagamit nilang panlinlang sa kanilang operasyon.
Sinasabing bagong modus operandi ng grupo ang gumamit ng bata upang hindi masyadong mahalata ng kanilang mga bibiktimahin na sila’y may masamang balak.
Naganap ang encounter sa Commonwealth Avenue pasado alas-8 ng gabi.
Bago ito, sakay umano ng isang pampasaherong jeepney (TXB-726) na minamaneho ni Francisco Baloro 47, ang mga suspect na nagkunwaring mga pasahero kasama ang mga biktimang sina Jaime Nepomuceno, 43, at Dary Aquino 20, at tinatahak ang nasabing lugar nang magdeklara ang mga ito ng holdap pagsapit sa may IBP Road, harap ng Batasan Bldg., sa Commonwealth Avenue.
Ayon sa driver na si Baloro, sumakay umano sa kanya ang mga suspect sa terminal nila sa Dhalia St., Brgy. Greater Lagro at dahil may kasamang isang batang babae ay hindi nila ito pinagdudahang mga holdaper.
Kaya naman nagulat na lang umano si Baloro nang magdeklara ang mga ito ng holdap pagsapit nila sa nasabing lugar saka pinagkukuha ang kanyang pera,gayundin ng kanyang mga pasahero.
Isinilid umano ng mga suspect sa isang kulay pink na back pack na ipinabitbit sa batang babaeng suspect ang kanilang mga nakulimbat.
Samantala, tiyempo namang nagpapatrulya sa nasabing lugar ang tropa ng DPIOU sa pamumuno ni Insp. Genaro Martinez kasama si Añonuevo sakay ng mobile car QC-127 at napuna ang komosyon sa nasabing jeepney.
Sinabi ni Martinez nang makita nila sa aktong kinukuha ng mga suspect ang gamit ng mga biktima sa loob ng jeepney ay agad nilang sinundan ito at nang malapitan nila ay agad silang nagpakilalang mga pulis.
Nang mapuna ng mga suspect ang presensya ng mga awtoridad ay nagsipagbabaan ang mga ito at at nagpulasan sa iba’t ibang direksyon habang pinapaputukan ang mga awtoridad sanhi upang tamaan ng bala sa kaliwang balikat si Añonuevo.
Dito na napilitang gumanti ng putok ang awtoridad na ikinasawi ng tatlo sa mga suspect. Ang dalawa pang suspect kasama ang bata ay nakatakas dala ang nakulimbat sa mga biktima.
- Latest
- Trending