MANILA, Philippines - Patay ang isang 43-anyos na lalaki maka raang mabangga at makaladkad ng isang cement mixer truck habang nagbibisekleta ito sa EDSA, Pasay City kamakalawa ng umaga.
Isinugod pa ito sa San Juan de Dios Hospital ng rescue team ng MMDA ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang biktimang inisyal na nakilalang si Francis Docena.
Sa ulat ng Pasay City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga sa kahabaan ng EDSA.
Nabatid na patungo ang biktima sa Taft Avenue sakay ng kanyang bisikleta nang mabundol ng isang mixer truck (ZCF-415).
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon at nakaladkad pa ang bisikleta at ang biktima na naging dahilan upang magtamo kaagad ng grabeng pinsala ang lalaki sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Naaresto naman ng mga tauhan ng MMDA ang driver subalit sa halip na ipaubaya sa Pasay police ang pagsisiyasat sa kaso, dinala ang mixer pati na ang driver sa Orense St., Makati sa punong tanggapan ng ahensiya upang doon isailalim sa imbestigasyon batay umano sa utos ni Col. Pintang.