MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng tatlong kalalakihan na pawang mga miyembro ng Pipa Gang ang isang lalaki kahapon ng madaling-araw sa La Loma Quezon City.
Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Ryan Ramos, 19, truck helper at residente ng Mauban St. Brgy. Manresa, Quezon City matapos na magtamo ng maraming saksak sa iba-ibang bahagi ng katawan.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang Criminal Investigation and Detention Group ng Quezon City Police District laban sa tatlong kalalakihang miyembro ng nabanggit na fraternity.
Ayon kina PO3 Gregorio Maramag at PO2 Jogene Hernandez, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa center island sa panulukan ng Araneta Ave. at Sto. Domingo St . sa La Loma ng nabanggit na lungsod habang nagkukuwentuhan at naglalaro ng magic tricks ang biktima at kaibigang si Jefferson dela Cruz nang biglang sumulpot ang mga suspect na armado ng patalim at sinita ang una.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang panig na nauwi sa pananaksak ng mga suspect sa biktima.