MANILA, Philippines - Generally peaceful and orderly!
Ito ang idineklara kahapon ng Philippine National Police (PNP) matapos na salubungin ng mapayapa at maayos na demonstrasyon sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa Batasan Pambansa kahapon.
Sa security assessment ng PNP bagaman may mga raliyista sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City ay wala namang nangyaring mga kaguluhan sa aktibidad mula sa grupo ng mga militante.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, sa monitoring ng PNP ang mga public assemblies at mass actions ay matiwasay at mapayapa habang nagde-deliver ng kanyang SONA si PNoy sa pagbubukas ng ika -15 Congress.
Ang NCRPO ay nag-deploy ng 8,000 pulis sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila kabilang ang 4,500 sa bisinidad ng Batasan Complex habang ang AFP-NCR-COM naman ay dalawang companies o mahigit 200 sundalo maliban pa sa dalawang batalyon (1,000) standby forces sa Camp Aguinaldo.
Nabatid na may 6,000 raliyista ang nagdaos ng kilos-protesta sa northbound lane ng Commonwealth Avenue dakong alas-3 ng hapon kung saan bandang alas-3:30 ng hapon ay naging 3,500 na lamang ang mga ito.